Sa patuloy na paglalim ng gabi,
Itong munting utak, di mapakali;
Tila ‘sang balong kayhaba ng lubid,
Subalit pangsalok di makaigib.
Sa dami ng tanong na nasa isip,
Gayon rin ang mga “sanang” kalakip;
Sa sanlibo’t-isang pa’no at bakit,
Sanlibo’t-isang tugon di makamit.
Dumadaloy– parang agos ng tubig,
Takpan man ng mga palad at bisig;
Lalong rumaragasa, sumisirit,
Walang tigil hanggang mata’y pumikit.
-jmdr ’18